Presidential ship ginawang ‘floating hospital’ sa Siargao
Medical assistance sa Odette victims, arangkada
MANILA, Philippines — Nagsisilbi ngayong “floating hospital” para sa medical assistance ang Presidential ship o ang barkong ginagamit ni Pangulong Rodrigo Duterte para makapaghatid ng serbisyo sa kalusugan sa mga residenteng naapektuhan ng supertyphoon Odette sa Siargao.
Ayon kay Commander Benjo Negranza, director ng Naval Public Affairs Office, ang BRP Ang Pangulo (ACS25) ay ginawa munang floating hospital para mapagsilbihan ang mga residente ng Siargao na matinding naapektuhan ng bagyo.
Sinabi ni Negranza, ang Philippine Navy (PN) at Eastern Mindanao Command composite medical team na sakay ng “Presidential ship” na siyang tumutulong sa mga residente at mga mangingisda mula sa iba’t-ibang mga barangay sa Siargao na nangangailangan ng medical assistance.
Sa kasalukuyan, ang ACS25 ay ang nagbibigay ng libreng medical consultations, medisina at mga kinakailangang supplements sa 36 indibiduwal para sa medikasyon ng hypertension at diarrhea.
Samantala, dumating na rin ang multi-capable frigate, BRP Jose Rizal (FF150) ng PN sa Puerto Princesa City, Palawan kamakalawa para maghatid ng 30,000 kilo ng relief goods at iba pang pangangailangan ng mga naapektuhan ng bagyong Odette. Agad na idiniskarga ang mga tone-toneladang cargo sa tulong ng Philippine Marine Corps at Philippine National Police personnel.
Sinabi ng opisyal na isa pang barko ng PN, ang patrol craft BRP Carlos Albert (PC375) ay kasama ng naturang frigate sa paglilipat ng mga relief goods at iba pang cargoes para maibiyahe sa karagatan.
- Latest