2 vintage bomb, narekober sa karagatan ng Cavite
MANILA, Philippines — Dalawang malalaking vintage bomb ang nadiskubre sa San Nicolas shoal sa lungsod ng Cavite habang nagsasagawa ng soil sampling ang mga crew member dito kahapon ng madaling araw.
Sa ulat, alas-4:30 ng madaling araw nang madiskubre ng mga crew member ng MV Vasco Da Gama, ang 2 malalaking vintage bomb na sumabit sa gitna ng kanilang barko.
Agad umanong itinawag ng mga ito sa Philippine Coast Guard (PCG) Station Cavite upang tuluyang maiahon at matanggal ang 2 bombang sumabit.
Pagdating ng PCG sa lugar, agad na ipinatigil ng mga ito ang isinasagawang operasyon ng mga crew member at sinimulan ang maingat na pagtanggal ng nasabing vintage bomb.
Katulong ng PCG ang Coast Guard Special Operations Group Explosive Ordnance Disposal (EOD) ang tripleng ingat sa pagtanggal ng mga bomba upang maiwasan ang pagsabog nito.
Makalipas ang may mahigit sa kalahating oras, matagumpay na natanggal ang 2 bomba na agad dinala sa Manila explosive weapons para sa proper disposal.
- Latest