Angkas sa motor utas, 2 sugatan sa bangga ng bus
PARACALE, Camarines Norte, Philippines — Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 17-anyos na angkas ng motorsiklo habang dalawa ang sugatan matapos banggain sila umano ng kasalubong na bus sa kahabaan ng national highway sa Purok-1, Brgy. Tawig ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot nang buhay ang biktimang si Jofer Leaño Madera, residente ng naturang barangay. Habang ginagamot naman sa Camarines Norte Provincial Hospital ang driver ng motorsiklo na si Mark John Flores, residente ng Brgy. Tugos at isa pang angkas na si Gabriel Cayetano Venida.
Sa ulat, alas-2:05 ng hapon mabilis umanong binabaybay ang highway ng Mega Bus Lines (ZLK-101) na minamameho ni Ramon Data Enova, 53-anyos, residente ng Brgy. Poblacion Sur, Paracale.
Gayunman, pagdating sa lugar ay biglang nag-U-turn ang kasalubong na Yamaha motorcycle na walang plate number na minamaneho ni Flores na walang lisensiya, angkas ang biktima at si Venida dahilan para sila masalpok ng bus.
- Latest