Motorsiklo sumalpok sa nakaparadang sasakyan: 2 patay!
SARIAYA, Quezon, Philippines — Kapwa hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 19-anyos na lalaki at kanyang angkas makaraang bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang sasakyang nakaparada sa gilid ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Gibanga ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktima na kapwa nabasag ang bungo at nagtamo ng grabeng pinsala sa kanilang mga katawan ay kinilalang sina Van Jerick Cayabat, binata ng Purok 2 ng nasabing barangay at Jerson Sarion, 24, binata ng Barangay Calumpang, Tayabas City.
Ayon Kay P/Lt. Col. William Angway, chief of police rito, bandang alas-11:00 ng gabi ay minamaneho ni Cayabat ang isang Honda Wave motorcycle at nakaangkas si Sarion. Dahil sa walang ilaw sa lugar at mabilis ang takbo ay hindi nila napansin ang isang four wheeler vehicle na nakaparada sa gilid ng kalye at tuluyan nila itong sinalpok.
Nadala pa ng mga saksi ang mga biktima sa Lucena United Doctors Hospital (LUDH) sa Lucena City subalit sa daan pa lamang ay kapwa sila nalagutan ng hininga.
- Latest