Madugong inuman: Mister inutas ng kaanak sa harap ni misis
MANDAON, Masbate - Namatay noon din ang isang 44-anyos na mister sa harap mismo ng kanyang misis matapos saksakin ng kanilang kainumang kamag-anak sa Sitio Mendoza, Brgy.Tumalay ng bayang ito kamakalawa ng gabi.
Sinubukan pang isugod ng mga kaanak sa Mandaon Community Medicare Hospital pero idineklarang patay ng mga doktor ang biktimang si Gevin Padios Valler, magsasaka, dahil sa malalim na saksak sa dibdib.
Ginagamot naman sa ospital ang suspek na si Ruben Padios Mendosa, 46, kapwa magsasaka ng naturang lugar at nakatakdang sampahan ng kaso.
Sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi ay nakita pang masayang nag-iinuman ang biktima, misis nito at suspek sa bahay ng mag-asawa nang magkaroon sila ng mainit na pagtatalo.
Sa gitna ng pagtatalo, bumunot ng itak si Valler na nakasukbit sa kanyang tagiliran at pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Mendosa. Gayunman, kahit sugatan ay nakatakbo pa sa kanyang bahay si Mendosa at nakakuha ng itak saka sinaksak sa dibdib ang humahabol na si Valler.
Kapwa duguang isinugod sa pagamutan ang dalawa pero hindi na umabot nang buhay ang biktima.
- Latest