Konsehal inireklamo ng sexual harassment
Empleyada ng Tayabas City Hall, hinipuan
MANILA, Philippines — Isang incumbent city councilor ang nahaharap sa kaso matapos ireklamo ng sexual harassment at panghihipo sa maselang bahagi ng katawan ng isang empleyada ng Sangguniang Panglungsod ng Tayabas City noong Lunes ng hapon.
Batay sa police report na ipinadala ni P/Major Romar Pacis, hepe ng Tayabas City Police Station kay Quezon Provincial Police director P/Col. Joel Villanueva, kinilala ang suspek na si incumbent Tayabas City Councilor Dino Marquez Romero, 51, may asawa at residente ng Lovely Village, Brgy. Wakas ng nasabing lungsod.
Ayon sa salaysay sa himpilan ng pulisya ng biktimang itinago sa pangalang Anna, 22, ng Barangay Camaysa, naghuhugas umano siya ng mga coffee mug dakong alas-2:00 ng hapon sa kusina ng Sangguniang Panglungsod na nakatayo sa J.P Rizal St. Barangay San Diego Zone 1 nang lapitan siya ng konsehal mula sa kanyang likuran.
Niyakap umano siya ng konsehal saka hinipuan ng dibdib at dahil sa pangyayari ay natakot ang biktima kung kaya siya nagsampa ng reklamong act of lasciviousness at sexual harassment kamakalawa.
- Latest