Municipal administrator, 11 pang sugarol tiklo
TUGUEGARAO CITY, Philippines — Isang municipal administrator at 11 pang sugarol na karamihan ay may katungkulan sa gobyerno ang dinakip ng awtoridad sa paglabag sa umiiral na panuntunan ng quarantine at pagsusugal sa Brgy. Andarayan south, Solana, Cagayan noong Biyernes.
Ayon kay Major Joefersson Gannaban ng Cagayan Police Office, nangyari ang pagsalakay sa compound ni Municipal Administrator Narciso Taquiqui, 82-anyos dakong alas-2:00 ng hapon.
Unang nadakma sina Taquiqui at Guillermo Baccay, 72, na isang retiradong pulis. Nahuli rin sina Estela Marie Balinoyos, 25, at Elena Soriano, 52, na kapwa public school teachers; Pablo Addun Jr., 52, barangay kagawad sa lugar at pito pang indibiduwal.
Nasamsam sa lugar ang limang set ng baraha, tatlong lamesa at isang dosenang upuan na pawang gamit sa ni-raid na pasugalan ng opisyal.
Ayon kay Gannaban, isinagawa ang operasyon sa teritoryo ni Taquiqui matapos silang makatanggap ng reklamo sa mga residente dahil sa matinding banta ng kalusugan.
- Latest