Vice mayor at engineer itinumba sa munisipyo, task group binuo
MANILA, Philippines — Bumuo na ng Special Investigating Task Group (SITG) ang Police Regional Office (PRO)-9 hinggil sa kaso ng pamamaslang sa isang bise alkade at municipal engineer habang isa pa ang malubhang nasugatan matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang gunman sa harapan ng municipal hall ng Mabuhay, Zambonga Sibugay nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni PRO 9 Spokesman P/Captain Edwin Duco ang mga nasawing biktima na sina Mabuhay Vice Mayor Restituto Calonge, municipal Engineer Edgar Pampanga na pawang dead-on-the-spot sa insidente.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang nasugatang biktima na si Abduhari Gapor.
Ang mga biktima ay pinagbabaril ng hindi pa natukoy na gunman sa harapan ng municipal hall ng nasabing bayan bandang alas-3:05 ng hapon.
Base sa imbestigasyon, kasalukuyang nag-uusap ang mga biktima sa isang mesa sa ilalim ng puno ng mangga sa harapan ng munisipyo nang biglang sumulpot ang armadong suspek at pinaulanan sila ng bala.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol na siyang ginamit ng salarin sa pamamaslang.
Patuloy rin ang pagtugis sa salarin na nakita ng mga testigo na tumakas sakay ng kulay itim na Honda XRM 125 motorcycle.
- Latest