Lola tigok, 20 pang bilanggo tinamaan ng COVID-19 sa Cagayan
SANTIAGO CITY, Isabela , Philippines — Isang 75-anyos na lola ang nasawi habang 53 ang naitalang panibagong nagpositibo sa COVID-19 kabilang ang 20 bilanggong nagpositibo sa virus sa lalawigan ng Cagayan, ayon sa ulat ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) kahapon.
Ang pinakahuling nasawi dahil sa virus ay si CV5988, residente ng Centro Sur, Alcala na unang isinugod sa pagamutan noong Enero 12 dahil sa diabetes at malalang pneumonia bago tuluyang binawian ng buhay nitong Lunes ng alas-4:00 ng hapon.
Ayon sa Cagayan Provincial Health Office, sa 30 na nasawi sa lalawigan ng Cagayan ay pinakarami ang naitala sa Tuguegarao City na may 15 katao, tig-2 sa mga bayan ng Tuao, Solana, Gattaran, Amulung at Alcala, habang tag-isa sa Aparri, Ballesteros, Enrile, Sta. Ana at Iguig.
Base sa tala ng PESU, 53 katao ang nagpositibo nitong Lunes kabilang ang 20 na inmates o Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Cagayan Provincial Jail (CPJ) habang ang iba ay mga frontliners mula sa mga bayan ng Amulung, Baggao, Peñablanca, Iguig at Tuguegarao City.
Sa bagong 53 na kaso, pinakamarami umano ang naitala sa Tuguegarao City na umabot sa 41 na kinabibilangan ng mga bilanggo at mga frontliners na karamihan ay mga manggagawa ng Cagayan Valley Center for Health Development (CV-CHD).
Sa kasalukuyan, pumalo na sa 415 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Cagayan kung saan napuno na rin umano ang ilan sa mga isolation facilities sa lugar.— Raymund Catindig
- Latest