Parak niratrat sa tapat ng bahay
DASMARIÑAS CITY, Cavite , Philippines — Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang isang pulis matapos na pagbabarilin ng apat ng lalaki habang nag-aayos ng kanyang sasakyan sa tapat ng kanyang bahay sa Brgy. Datu Esmael ng nasabing lungsod, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing si P/SSgt. Roseman Batao, 36, may-asawa, nakatalaga sa Tiaong-PNP station, at residente ng Gumamela St., Blk. 39, Lot 3 ng nasabing lugar.
Mabilis na tumakas ang apat na suspek sakay ng isang kulay gray Honda City na walang plaka.
Sa ulat, alas-2:20 ng hapon ay inaayos ng biktima ang kaniyang Toyota Hi-ace van sa tapat ng kanyang bahay nang huminto sa tapat niya ang nasabing kotse at lumabas dito ang apat na suspek at sunud sunod na pinagbabaril.
Nang masigurong patay na ang biktima ay humarurot patakas ang sasakyan ng mga suspek.
Nabatid na ang biktima ay dating nakatalaga sa intelligence division ng Maragondon-PNP taong 2016-17.
- Latest