PACC chief pinasisibak ng doktor
MANILA, Philippines — Isang pribadong doktor ang lumantad at hiniling kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak sa puwesto kay Presidential Anti-Crime Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica dahil sa kawalan umano ng aksyon sa kanyang mga reklamong inihain laban sa mag-asawang sina Lamitan Mayor Rose Furigay at Vice Mayor Roderick Furigay.
Sa ginanap na pulong balitaan, isinawalat ni Dr. Chao Tiao Yumol ang umano’y kawalang aksyon ni Belgica sa mga anomalya ng mag-asawang Furigay.
Inakusahan ni Yumol ang mga Furigay sa maanomalyang pagbili ng generator na hindi naman nagamit, sa pagsusuplay ng kuryente, ang pagkakasangkot nila sa droga, pag-standby ng ambulansya sa private resort ng mga Furigay at ang sinasabing pagsunog sa munisipyo ng Lamitan. Pinatunayan naman umano ito ng isa sa mga inutusan ni Furigay na si Bronson Amil na nasugatan nang pagbabarilin ng mga tauhan ng Furigay.
Ayon kay Yumol ang lahat ng reklamo at ebidensiya nila laban sa mag-asawang Furigay ay nabalewala nang sabihin ni Belgica na wala umanong hurisdiksiyon ang PACC dito dahil elected officials ang inirereklamo. Pinaiimbestigahan din si Lt. Col. Crisle Cainog ng PNP Drugs Enforcement Group na nag-isyu ng certification na “cleared” na umano ang mag-asawang Furigay sa kasong illegal drugs.
- Latest