Store owner itinumba sa harap ng tindahan
ALIAGA, Nueva Ecija, Philippines — Nasawi noon din ang isang 50-anyos na negosyanteng lalaki matapos pagbabarilin ng kanyang kapitbahay habang isinasara ang kanyang sari-sari store sa Purok Hulo, Brgy. San Pablo Matanda, sa bayang ito, noong Huwebes ng gabi.
Sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, dead-on-arri-val sa Nueva Ecija Doctors Hospital sa Cabanatuan City ang biktimang si Alberto Capulong, may-asawa, at residente ng naturang lugar.
Ang suspek na kapitbahay ng biktima ay kinilalang si Pedro Molina, na agad tumakas matapos ang pamamaril.
Ayon sa ulat, bandang alas-7:30 ng gabi noong Huwebes isinasara ng biktima ang kanyang tindahan na nasa harap lang ng kanyang bahay nang bigla umanong dumating ang suspek na armado ng kalibre .45 pistola at saka walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na noon din ay duguang bumulagta.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na ang suspek ay sinampahan umano ng biktima ng kasong estafa sa korte kamakailan, at ito marahil ang nag-udyok sa suspek na gawin ang pamamaslang.
Nakatakdang sampahan ng kasong murder ang suspek na pinaghahanap pa rin ngayon ng pulisya.
- Latest