1 pang bayan nagdeklara ng ‘state of calamity’
Dahil sa 6.3 magnitude na lindol
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Isa pang bayan sa North Cotabato ang nagdeklara ng “state of calamity” dahil sa pinsalang dulot ng 6.3 magnitude na lindol na tumama sa bayan ng Tulunan sa lalawigan noong Miyerkules ng gabi.
Pinakahuling nagdeklara kahapon ng umaga ay ang bayan ng Tulunan matapos ang sesyon ng Sangguniang Bayan at base sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction Council.
Maliban sa Tulunan, una na ring nagdeklara ang mga bayan ng M’lang at Makilala ng state of calamity. Nasa 1,021 pamilya ang naitalang naapektuhan matapos na masira ang kanilang mga kabahayan.
Binisita naman ni Senador Bong Go ang bayan ng Tulunan upang alamin ang epekto ng lindol at ang posibleng tulong na maibibigay nito sa mga residente.
Ayon kay Makilala Municipal Administrator Sheryl Orbita, nasa 3,131 na mga pamilya at kabahayan din ang kabuuang naapektuhan sa nasabing lindol mula sa 38 na barangay ng bayan. Nasa 118 katao ang mga nagsilikas kung saan 56 dito ay nakabalik na sa kanilang tahanan.
Samantala sa buong Rehiyon 12, sinabi ni Office of the Civil Defense Spokesperson Jorie Mae Balmediano na umakyat na sa 77 katao ang sugatan at nananatili sa tatlo ang patay sa Region 12 habang apat mula sa ibang rehiyon.
- Latest