2 interchange sa NLEX at SCTEX minamadali na para sa SEA Games
BOCAUE, Bulacan, Philippines — Minamadali na ang konstruksyon ng mga imprastrakturang nasa North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na gagamitin sa nalalapit na 30th South East Asian (SEA) Games.
Una na rito ang pagkakalso ng mga steel girders para sa itinatayong Ciudad de Victoria Interchange sa NLEX sa bahagi ng Bocaue, Bulacan. Ang steel girders ay magsisilbing tulay upang mapagdugtong ang magkabilang panig ng interchange.
Habang ang isang interchange ay may kumpletong probisyon ng pasukan o entry at labasan o exit. Idinesenyo ang Ciudad de Victoria Interchange upang maging gateway mula sa NLEX patungo sa Ciudad de Victoria Tourism Enterprise Zone kung saan nakatayo ang Philippine Arena.
Puspusan din ang konstruksyon ng Bamban Interchange sa SCTEX na magsisilbing gateway patungong New Clark City sa Capas, Tarlac, kung saan gaganapin ang mga malalaking palaro ng 30th SEA Games.
Sa Philippine Arena nakatakdang idaos ang opening ceremony ng 30th SEA Games sa Nobyembre 30, 2019.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, sa isang pagbisita sa lalawigan, mapapakinabangan pa rin ang Ciudad de Victoria Interchange kahit matapos na ang opening ceremony ng 30th SEA Games. Sapagkat magiging panibagong daan ito mula sa NLEX ng mga sasakyang papuntang Bocaue, Santa Maria, Balagtas at Pandi. Inaasahang makakatulong ito upang mawala ang masikip na daloy ng trapiko sa lumang Bocaue interchange.
- Latest