P43-M cocaine, nalambat!
MANILA, Philippines — Pitong bloke ng hinihinalang ‘cocaine’ na tinatayang higit sa P43-milyon ang halaga ang nalambat ng tatlong mangingisda sa karagatang sakop ng Brgy. Bugao sa bayan ng Bagamanoc, Catanduanes kamakalawa ng hapon.
Ipinadala na kahapon ni Catanduanes Provincial Director Senior Supt. Paul Abay sa regional office ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Legazpi City, Albay ang droga para sa confirmatory test.
Sa ulat, dakong ala-1:00 ng hapon habang nangingisda sa karagatan sina Marcel Benosa, 33-anyos, Danilo Villasana, 65-anyos at Tirso Bandola,47-anyos, pawang residente ng nasabing barangay nang nakita nila ang palutang-lutang na itim na lambat.
Nang kinuha, nakita ng mga mangingisda sa loob ng lambat ang pitong bloke na nababalot ng kulay brown na packing tape at may dollar sign.
Binuksan umano nila ang isa at nakita ang kulay puting pulbos kaya nagduda silang pareho ito ng unang mga nakuha ng mga mangingisda na bloke ng cocaine na palutang-lutang sa karagatan kaya iniuwi ng tatlo at itinurn-over kay Brgy. Kapitan Evan Evangelista na kasamang nagdala sa Bagamanoc Police na agad namang dinala sa Catanduanes Provincial Police Office.
Sa taya ng Catanduanes Police, posibleng higit sa market value na P43.175-M ang halaga ang nakuhang droga.
- Latest