7 minero nailibing nang buhay
MANILA, Philippines — Nasawi ang pitong minero matapos mailibing nang buhay habang isa ang mapalad na nakaligtas makaraang aksidenteng matabunan ng gumuhong lupa habang naghahanap ng mina ng ginto sa liblib na lugar sa Mt. Manhupaw sa hangganan ng Santiago at Jabonga, Agusan del Norte, ayon sa opisyal kahapon.
Sa ulat ni CARAGA Police Director P/Chief Supt. Gilbert Cruz, apat sa pitong minero na ang nahukay ang mga bangkay habang patuloy pa ang search and retrieval operation sa tatlong iba pa at isa naman ang masuwerteng nakaligtas sa insidente.
Kinilala ng opisyal ang apat na bangkay na narekober sa lugar na sina Rene Gan-ungunligan, Ramil Iligan, Casiano Tagunsulod Iligan at Tata Salasay.
Patuloy naman ang search and retrieval operation sa tatlong iba pa na sina Jay-Ja-ay Matanog, Rex Penig at isang tinukoy lamang sa alyas na “Gang-Gang”, pawang mga nasa hustong gulang.
Masuwerte namang nakaligtas sa pangyayari at ginagamot na sa ospital si Alan Daging na siyang nagsalaysay sa mga otoridad ng masaklap na sinapit ng kanyang mga kasamahan.
Ayon kay Cruz, ang insidente ay ini-report sa pulisya nito lamang Enero 22 ni Jasmin Iligan, negosyante, misis ng isa sa mga biktima hinggil sa paghahanap ng mina ng ginto ng kaniyang mister at mga kasamahan nito kung saan ang mga ito ay noon pang Enero 20 umalis patungong kabundukan sa nasabing lugar pero hindi na nakabalik kaya labis na nagalala ang pamilya ng mga ito.
Ang landslide ay sanhi ng malalakas na pagulan sa CARAGA Region dulot ng pananalasa ng bagyong Amang kung saan lumambot ang lupa at natabunan ang grupo ng mga minero.
- Latest