2 ISIS terrorist utas sa shootout!
MANILA, Philippines — Dalawang pinaghihinalaang bomber ng terrorist inspired Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang napaslang matapos nilang makasagupa sa checkpoint ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa Tacurong City, Sultan Kudarat nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni Chief Supt Eliseo Rasco, Director ng Police Regional Office (PRO) 12, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang mangyari ang engkuwento sa kahabaan ng Kapingkong Road, Brgy WJC Montilla ng lungsod.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang Sultan Kudarat Provincial Police Office (SKPPO) na agad ipinaabot sa iba pang security forces hinggil sa planong pagbibiyahe ng ISIS inspired terrorist groups ng Improvised Explosive Device (IED) sa Tacurong City at munisipalidad ng Isulan sa lalawigan.
Agad na naglatag ng checkpoint ang pinagsanib na elemento ng pulisya at Philippine Army sa mga istratehikong lugar ng lungsod at bayan ng Isulan.
Sinabi ni Rasco, dakong alas-2:30 ng madaling-araw habang papalapit sa checkpoint ang mga suspek lulan ng kulay abong multicab ay bigla silang nag-u-turn at sabay na pinaputukan ang mga operatiba ng Regional Mobile Force Battalion na nagresulta upang magresponde ang mga iba pang security forces, Nagkaroon ng habulan at nang malapit nang abutan ang dalawa ay nagkaputukan hanggang sa ilang saglit pa ay kapwa duguang bumulagta ang dalawang sinasabing bomber.
Narekober sa lugar ang isang cal 9mm pistol na may tatak ng PNP, isang KG 9, mga bala, isang IED at isang bandila ng ISIS.
- Latest