Suspek sa pagpatay kay Fr. Nilo, pinalaya
MANILA, Philippines — Pinalaya ang sinasabing suspek sa pagpatay kay Nueva Ecija priest Fr. Richmond Nilo.
Ito ang inihayag ni Sr. Supt. Benigno Durana, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) matapos na magpalabas ng release order ang Cabanatuan Regional Trial Court (RTC) Branch 27.
Ang pagpapalaya sa suspek na si Adell Roll Milan ay dahil sa inihaing “motion to withdraw information” ng prosekusyon dahil sa “mistaken identity”.
Sa sinumpaang waiver ni Milan, natuklasan ng mga otoridad na hindi siya ang tunay na pumatay sa pari kundi ang isang Omar Malari na nadakip na rin ng pulisya.
Dahil sa umano’y nag-aalala ang pulisya na balikan sila ni Milan o magsampa ng kaso laban sa mga umaresto sa kanya kung kaya pumirma siya ng waiver na nagsasabing hindi siya magsasampa ng anumang kaso laban sa mga pulis.
Magugunita na si Nilo ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng motorcycle riding suspects habang nagsasagawa ng misa noong Hunyo 10 sa isang chapel sa Barangay Mayamot Zaragoza, Nueva Ecija.
Ang biktima ay ikatlong pari na napatay simula noong Disyembre ng nakaraang taon.
- Latest