Road mishap: 1 patay, 3 sugatan
BULACAN , Philippines — Isa ang nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Brgy. Caingin at Brgy. Capihan, San Rafael kahapon habang isinasagawa ang Barangay at SK Election.
Kinilala ang nasawing biktima na si Felizardo Bartolay, 45; obrero ng Brgy. Caingin habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang iba pang biktima na sina Marcelo De Vera Jr., 23, ng Brgy.Pinak-Pinakan; Constancia Carig, 52, ng Brgy. Mabalasbalas kapwa sa bayang ito at Glenie Castro, 19, empleyada ng SM Baliwag ng Brgy. Sto Cristo sa Candaba, Pampanga.
Sa ulat ni SPO1 Rypson Quirijero, dakong alas-3:30 ng madaling araw habang nasa gilid ng By-pass road sa Brgy. Caingin ang biktimang si Bartolay at naglalakad nang tangkain nitong tumawid sa kalsada pero nahagip siya ng isang Hyundai Grace van (TYS-812) na minamaneho ni Jayson Absolor, 33, ng Brgy. Rio Chico, Gen. Tinio, Nueva Ecija. Sa lakas ng bangga, gumulong pa ang katawan ni Bartolay at muling nasagasaan na kanyang ikinasawi. Hindi naman huminto ang naturang sasakyan na patungo sa hilagang direksyon.
Sa ulat naman ni SPO1 Dante Castillo, dakong alas-9:00 ng umaga habang tumatawid ang biktimang si Carig sa kalsada sa Brgy. Capihan nang banggain siya ng motorsiklong Yamaha MIO na minamaneho ni De Vera Jr. at backrider na si Castro saka sila gumulong sa kalsada. Nagkataong dumaraan din sa naturang lugar ang ES Transport bus (UVW-705) na minamaneho ni Jefferson Ruiz, 39, ng Brgy. Caalibangbang, Cabanatuan, Nueva Ecija sanhi upang bahagyang masagasaan ang kaliwang binti ng backrider na si Castro.
- Latest