Pekeng pulis timbog
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga lehitimong miyembro ng pulisya ang isang lalaki na nagsuot ng PNP athletic shorts at nagpapanggap na miyembro ng pambansang pulisya sa isinagawang checkpoint sa Olongapo City nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ni Supt. Fe Greñas, Spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 3 ang nasakoteng suspek na si Kevin Mangiral, 24, ng Purok 2, Brgy. New Cabalan, Olongapo City.
Ang pekeng parak ay nasakote ng mga tauhan ng Olongapo City Mobile Force Company sa isinagawang PNP-Comelec checkpoint operation sa kahabaan ng national highway, Purok 2, Brgy. New Cabalan ng naturang siyudad.
Si Mangiral ay nakasuot ng PNP athletic shorts at lulan ng kaniyang motorsiklo nang parahin ng operating team dahilan hindi ito nakasuot ng helmet pero nagmatigas pang sumailalim sa inspeksyon na pinalagan ang mga pulis na nagbabantay sa checkpoint .
Gayunman sa isinagawang beripikasyon ay natukoy na peke o hindi miyembro ng PNP ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10054 (no helmet), disobedience at Article 179 (illegal use of uniforms) sa ilalim ng Revised Penal Code.
- Latest