4 sundalo patay, 17 sugatan sa sakuna
MANILA, Philippines — Apat na sundalo ng Phil. Army ang namatay habang 17 naman ang nasugatan sa naganap na magkahiwalay na sakuna sa bayan ng Antipas, North Cotabato at Pagadian City, Zamboanga del Sur noong Sabado ng gabi at kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga namatay na sundalo na sina Private Marsaga, Pfc Pregillana ng Army’s 39th Infantry Battalion; Staff Sergeant Celerino Objero at si Staff Sergeant Isgerie Papolonias.
Naisugod naman sa magkahiwalay na pagamutan ang mga sugatang sina Private George Bajo, Corporal Darryl Banares, Corporal Rodrigo Castillo, Corporal Melvin Colobong, Private First Class Jayson de Guzman, Sergeant Benjakar Kasim, Sergeant Roberto Rojas Francisco, Corporal Crisaldo Tan, Cafgu Romelson Tasa, Pfc Manuel Lumanod, Cpl. Anta, Private Lacunsay, Pfc Amarillo, Private Guimay, Private Gepitulan, Private Alao, at si Pfc Silva.
Sa pahayag ni Lt. Silver Belvis, Civil Military Operations Officer ng Army’s 39th Infantry Battalion, kasalukuyang bumabagtas sa kahabaan ng national highway sa may crossing ang KM 450 military truck na minamaheno ni Pfc. Lumanod na kasama sina Anta, Lacunsay, Maraillo, Guimay, Gepitulan, Alao, at si Silva
Gayunman, biglang may tumawid na bata kaya pilit iniwasan ni Lumanod kung saan kinabig nito ang trak pero namiskalkula kaya bumaliktad hanggang sa mahulog sa may 10 lalim na talampakan bangin sa kaliwang bahagi ng highway sa Barangay Malatab sa bayan ng Antipas, North Cotabato kahapon ng umaga.
Si Private Marsaga ay idineklarang patay sa Kidapawan Medical Specialist Hospital habang si Pfc Pregillana ay namatay habang ginagamot.
Samantala, ayon naman kay Major Richard Enciso, acting spokesman ng Army’s 1st Infantry Division, namatay naman sina S/Sergeant Objero at S/Sergeant Papolonias habang siyam naman ang nasugatan makaraang mawalan ng preno ang military truck kaya sumalpok sa paanan ng bundok sa Barangay Lourdes, Pagadian City, Zamboanga del Sur noong Sabado ng gabi.
Napag-alamang nagsasagawa ng casualty evacuation ang militar sa mga nasugatang kasamahan sa Army’s 53rd Infantry Division sa bakbakan nang makasalubong si kamatayan noong Sabado.
- Latest