Trader nilikida ng 2 armado
NUEVA ECIJA, Philippines – Isang 41-anyos na negosyante ang nasawi makaraang barilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo habang nasa loob ng kanyang tindahan ng patuka sa manok sa Purok 1, Brgy. San Isidro, Sta. Rosa, ng lalawigan kamakalawa. Hindi na umabot pang buhay sa Nueva Ecija Doctors Hospital ang biktimang si Demetrio Patricio Jr., 41, may-asawa dahil sa isang tama ng bala sa ulo. Bandang alas-6:10 ng umaga noong Huwebes habang mag-isa ang biktima na nag-aayos ng supply na feeds at bitamina ng manok at baboy sa loob ng kanyang poultry store na karugtong ng bahay nito nang sumulpot ang motorsiklong Rouser na walang plaka sakay ang dalawang suspek. Bumaba umano ang backrider at agad na binunot ang isang maigsing baril at pinaputukan sa ulo ang nakatalikod na biktima. Agad na bumalik sa motorsiklo ang gunman at tumakas patungo sa direksyong kanluran o sa kahabaan ng Sta. Rosa-Tarlac Road.
- Latest

















