Restaurant sinuwag ng bus:1 utas, 42 nasugatan
MANILA, Philippines – Kinarit ni Kamatayan ang isa katao habang 42 ang nasugatan matapos na aksidenteng suwagin ng isang bus ang isang restaurant na nasa tabi ng Maharlika Highway, Sariaya, Quezon kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jessa Estimo, 19 sa tinamong malubhang sugat sa katawan partikular na sa paghampas ng ulo nito sa matigas na bagay.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang biktima na lulan ng bus at kabilang dito ang isang 9-anyos na batang babae na taga Camarines Sur na pinutulan ng kanang kamay bunga ng pagkakaipit nito sa nangyaring trahedya.
Sa ulat ng Quezon Police, naitala ang malagim na sakuna sa kahabaan ng Maharlika highway sa Brgy. Sto. Cristo ng bayang ito pasado alas-12:00 ng madaling araw.
Ayon sa imbestigasyon, nag-overtake ang Raymund bus (UWE-723) na minamaneho ni Leandro Deguito sa unahang behikulo at sa sobrang bilis ng takbo ay sinuwag ang Kabayan Restaurant sa tabi ng highway.
Nabatid na si Estimo ay kasalukuyang natutulog sa loob ng restaurant nang masapol ito.
Ang nasabing bus ay galing sa Lagonoy, Camarines Sur at patungong Cubao, Quezon City.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple physical injuries and damage to property ang driver ng bus na inaresto.
- Latest