Ama tinodas sa harap ng anak
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang mister sa kamay ng nagpakilalang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos siyang pagbabarilin sa ulo sa harap ng kanyang anak kamakalawa ng gabi sa Sitio Montanosa, Barangay Sagrada , Iriga City. Ang biktima ay si Felix Amoroso Jr. , nasa hustong gulang, may asawa at residente ng naturang lugar. Sa ulat, dakong alas-7:30 ng gabi habang ang biktima at anak na si Carlo ay nanonood ng TV nang biglang mag-ingay at kumahol ang kanilang mga alagang aso. Agad na lumabas sa kanilang bahay si Carlo at nakita nito ang dalawang lalaki at inutusan pa siyang tawagin sa labas ang ama. Nang lumabas ang biktima at umupo sa isang silya sa balkon nang agad na lapitan ng mga suspek at nagpakilala silang mga miyembro ng NPA. Pinadapa pa ng mga suspek si Carlo bago sunud-sunod nilang pinaputukan sa ulo ang ama nito. Matapos ang pamamaslang, kasuwal na naglakad papalayo ang dalawang suspek.
- Latest