Gasoline boy todas sa mga holdaper
CAMARINES NORTE , Philippines – Patay ang isang 21-anyos na gasoline boy matapos pukpukin ng matigas na bagay sa ulo ng mga hinihinalang holdaper na umatake sa binabantayang gasoline station ng biktima Bagasbas Road, Brgy Borabod, Daet kamakalawa ng madaling araw.
Namatay habang ginagamot sa Bicol Medical Center sa Naga, Camarines Sur ang biktimang si Jasper Flores, cashier/gasoline boy sa Byahero Gasoline Station dahil sa tinamong matinding sugat sa ulo mula sa mga hindi kilalang holdaper.
Dakong alas-3:30 ng madaling araw nang makita ng mga nagrorondang tanod ang nakahandusay at duguang biktima.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung magkano ang natangay na pera na kinita ng istasyon ng mga holdaper.
Nauna rito, hinoldap din ang nasabing gasolinahan subalit sa kabila nito, hindi parin nilagyan ng may-ari ng security guard at CCTV ang nasabing gasolinahan kung kaya’t muling naulit ang panghoholdap na ikinamatay ng biktima.
Napag-alaman na pinaghahandaan pa naman ng biktima ang kanyang kaarawan kahapon subalit napalitan ng pagluluksa ng kanyang pamilya na humihingi ngayon ng hustisya.
- Latest