Leni nakiramay sa ‘Lando’ victims
MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pakikiramay si Liberal Party vice presidential candidate Leni Robredo sa mga tinamaan ng Bagyong Lando sa mga lalawigan sa Hilaga at Gitnang Luzon.
Kasabay nito, iginiit ni Robredo ang pagkakaroon ng kahandaan ng lahat ng sektor, sa harap ng pagbabago ng panahon at klima ng mundo, kung saan ang mga komunidad ang siyang nasa gitna ng mga nakaambang trahedya.
“Patuloy pa nating patibayin ang mga pamilya at bayan para mas maging handa at sanay sa dumarating na mga sakuna, at mabigyang tutok din ang kaligtasan ng matatanda, kababaihan, bata, PWDs at iba pang sektor,” wika ni Robredo.
Nanawagan din si Robredo sa pamahalaang lokal at pambansa na patuloy na bigyang suporta, impormasyon, at kakayahan ang ating mga baranggay, sa tulong ng mga NGO na nakatutok sa adhikaing ito.
“Ito’y upang makatugon nang agaran sa mga nasalantang lugar at mas mabisa pang makapaghanda para sa hinaharap,” wika pa ni Robredo.
- Latest