2 pulis, 2 pa tiklo sa carnapping
BULACAN, Philippines – Bagsak-kalaboso ang dalawang pulis at dalawa nitong tauhan sa carnapping sydicate makaraang ilatag ang operasyon ng mga operatiba ng pulisya sa Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Isinailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina SPO1 Dante Surban, 44, nakatalaga sa QCPD Station-6, ng Northgate Subdivision sa Brgy. Sto. Cristo; PO3 Sherwin Castañeda, 39, nakatalaga sa District Public Safety Batallion ng QCPD, ng Brgy. Poblacion; Jeffrey Villanueva, 34; at ang 16-anyos na binata na kapwa nakatira sa Palmera Homes Subd., sa Brgy.Kaypian.
Base sa ulat ni P/Supt. Helson Walin, group director ng Provincial Public Safety Company, ang mga suspek na inaresto sa kanilang talyer sa Palmera Homes Subdivision ay naaktuhang nagbebenta ng mga motorsiklo sa mababang halaga at walang kaukulang papeles.
Ayon pa kay P/Senior Insp. Sean Logronio ng 4th Manuever Platoon ng PPSC, maging sina SPO1 Surban at PO3 Castañeda ay tumatayong lider ng sindikato ay sinasabing protector ng grupo.
Nasamsam sa dalawang pulis ang kani-kanilang service firearms , sampung motorsiklo na pinaniniwalaang sinikwat sa iba’t ibang bayan, at mga spare parts ng motorsiklo.
- Latest