4 nalason sa tinapay na may shabu
MANILA, Philippines – Apat-katao ang nalason matapos kumain ng tinapay na may sangkap na shabu na ibinigay ng isang kustomer sa beach resort sa bayan ng San Fabian, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Naisugod sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City ang mga biktimang sina Dessy Ann Buado, 19, front desk; Leonora Sumera, 68, biyuda, chief cook; Analyn Monila,, 26; at si Leliosa Grampa, 33.
Sa ulat ng Pangasinan PNP na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Moonylight Bay Resort na pag-aari ni Ofelia Sharzadeh, 52 sa Barangay Tiblong.
Isa sa mga kustomer sa nasabing beach resort na si Archie Bautista ang nagbigay ng tinapay na kulay kayumanggi kung saan kinain naman ng mga biktimang kawani ng resort.
Gayon pa man, ilang minuto ang nakalipas ay nagsimulang sumama ang pakiramdam ng mga biktima na nahilo, nagsuka, sumakit ang ulo at tiyan kaya kaagad na isinugod sa nasabing ospital.
Sa inisyal na laboratory test sa nasabing tinapay ay nabatid na may halo itong sangkap na shabu.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang kustomer na si Bautista na nagbigay ng tinapay na may shabu sa mga biktima.
- Latest