20 pulis-adik sinibak sa serbisyo
NORTH COTABATO, Philippines – Umaabot sa 20-pulis mula sa PNP Region 10 na sinasabing nagpositibo sa paggamit ng bawal na droga ang tuluyang sinibak sa serbisyo, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Regional director P/Chief Supt. Lendyl Desquitado, ang pagsibak sa 20-pulis ay bahagi ng pinalakas na binuong internal determination body ng PNP Regional Crime Laboratory kung saan pinirmahan ng opisyal ang dismissal order ng mga ito para mahiwalay sa organisasyon.
Naniniwala ang opisyal na magsisilbing wake-up call sa lahat ng kapulisan na maging matapat sa tungkulin at huwag sayangin ang pagkakataong mapabilang sa organisasyon.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez kay Desquitado na madaliin ang pagsibak sa mga kasamahang pulis dahil sa pagiging drug users.
Ikinalungkot naman ni Desquitado ang sinapit ng mga pulis na mawala sa serbisyo subalit mas kakatigan nito na magkaroon ng kakaunting bilang ng mga tauhan na matino sa kanilang tungkulin.
- Latest