3 Abu Sayyaf utas, 15 sugatan sa engkuwentro
MANILA, Philippines - Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay habang 15 katao ang nasugatan kabilang ang 10 sundalo matapos ang matinding engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan laban sa may 300 ASG at apat na umano’y terorista ng Jemaah Islamiyah (JI) sa kabundukan ng Brgy Latih, Patikul, Sulu kahapon ng umaga.
Kinilala ni Brig. Gen. Alan Arrojado, ng AFP Joint Task Group Sulu, ang isa sa tatlong napatay na Abu Sayyaf na si Aka Nidil. Dalawa sa limang sugatan na bandido ang nakilala lamang sa mga alyas na Sueb at Anas.
Ang mga nasugatang sundalo ay aina Sgt. Rey Addatu, Pfc Reygie Gapuz, Pfc Denmark Wanasen, Pfc Joseph Accad, Cpl Elmer de Jesus Jr., Corporal Francisco Masanda III, Cpl. Jomar Ballad, Private Dioniso Lava Jr., Pfc Ronwaldo Dalayday at Pfc Paul Julius Calamay.
Ayon kay Arrojado, dakong alas-6:25 ng umaga nang paulanan ng tropa ng militar ng apat na rounds ng 81MM mortar ang posisyon ng mga bandido habang nagsagawa ng close air support ang dalawang UH-1H helicopter mula sa tropa ng Philippine Army.
Matapos ang bakbakan nakuha ang mga bangkay ng mga bandido habang 10 sundalo ang sugatan na agad na inilipad ng chopper para malapatan ng lunas.
Sinabi na Arrojado na nasa maayos nang kondisyon ang mga nasugatang sundalo. Ang mga bandido ay mabilis namang nagsitakas matapos makita ang presensya ng reinforcement troops ng tropa ng militar.
Kabilang umano sa mga lider ng ASG na nakasagupa ng militar ay sina Hatid Sawadjaan, Muamar Askali, Almuktar Suddung; Namiel Ahajari, Basaron Arok, at isang hindi kilalang tauhan ni ASG commander Yasser Igasan.
Natukoy naman ang mga JI terrorist na sina Amin Bacu alyas Abu Jihad at Khalid, Indonesian-Filipino/Maranao; Muhamad Mahmud, Muhamad Ali at isa pang inaalam ang pagkakakilanlan.
- Latest