2 sekyu inatake, mga armas tinangay
CAMARINES NORTE, Philippines - Dalawang security guards ng Land Force Security Agency ang dumulog sa mga awtoridad matapos umano silang atakehin, gulpihin at nakawan ng armas ng may 10 kalabang security guards ng Jack Security Agency na naganap sa Investment Mining Corporation sa Brgy Larap, Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa ng madaling araw.
Sa sumbong ni Jessie Sarmiento, operations manager ng Land Force Security Agency, dakong alas-4:50 ng madaling araw nang atakihin ang kanilang dalawang guwardya na sina Jose Quintela, 28, may asawa, ng Brgy. San Roque, Mercedes at Rizaldo Baina, 48, may-asawa ng Brgy Larap, Jose Panganiban, ng may 10 guwardya umano ng Jack Security Agency na pinangunahan ng dalawang nagpakilalang SG Sayno at SG Babagay.
Mabilis umanong tinutukan ng .9mm ang dalawang biktima at nilagyan ng piring ang kanilang mga mata, at saka sila pinagsisipa at binugbog. Hindi pa nasiyahan, kinuha ng mga suspek ang tatlong 12 gauge shotgun na service firearms ng mga biktima, cellphones at halagang P13,000. Matapos na tumakas, nagbanta pa ang mga suspek na babalikan at papatayin nila ang mga biktima kasama na ang kanilang pamilya kapag nagsumbong sa pulisya. “Pag nagpablotter ka o magsumbong, alam ko lugar mo ‘pati pamilya mo idadamay’ papatayin ko.” ayon sa isa sa mga suspek.
Nagsasagawa na ng follow-up operations ang pulisya upang madakip ang mga suspek. Hindi binanggit ang ugat ng pagsugod ng mga nabanggit na security guards.
- Latest