Pangulo ng Clark Development Corporation kakasuhan sa Ombudsman
CLARK FREEPORT, Pampanga, Philippines – Nakatakdang magsampa ng kasong kriminal at administratibo ang mga lider ng katutubong Aeta sa tanggapan ng Ombudsman laban sa pamunuan ng Clark Development Corporation dahil sa sinasabing pagbalewala nito sa Ancestral Domain Law.
Ayon kay Juvylyn Margarito, spokesperson ng Aeta communities ng Mabalacat City, Pampanga at sa bayan ng Bamban, Tarlac, inihahanda na ang mga dokumentong gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kaso sa Office of Ombudsman laban kay CDC President and CEO Atty. Arthur Tugade.
Bukod sa pagbalewala sa nasabing batas ay pinagbantaan ang mga Aeta na nakatira sa mga nasabing lugar.
“Binantaan kami ng CDC na kakasuhan kapag ipinagpilitan naming angkinin ang ancestral lands na sinasabing bahagi ng Freeport area. Inaalisan na nila kami ng karapatan sa aming lupa,” paliwanag ni Margarito.
Kinukuwestion din ng mga Aeta ang JMA Joint Management Agreement na inihalintulad ni Margarito sa isang gamot na mahirap lunukin sa ginawa noong 2007 pero hindi ito naipatupad dahil sa kawalan ng implementing rules and regulations.
“Kung tutuusin, ang JMA ay sama-sama sa pamamahala sa pagitan ng CDC at mga tribo ng Aetas na naninirahan sa palibot ng Freeport,” dagdag pa ni Margarito
Nanawagan din ang mga Aeta kay pangulong Noynoy Aquino na sana ay mabigyan ng pansin ang kanilang hinain bago ito bumaba sa kanyang puwesto.
Sinabi pa ni Margarito na patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan ng mga lider ng Aeta laban sa CDC na mamuhay sa sariling lupain na walang pangambang hinaharas ng mga opisyal ng Freeport. Gary Bernardo
- Latest