Coed inutas ng apo ng gobernador
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng 19-anyos na kolehiyala matapos itong barilin sa ulo ng kanyang manliligaw na sinasabing apo ng gobernador saka itinapon sa bakanteng lote sa Barangay San Cristobal sa bayan ng Sarrat, Ilocos Norte noong Lunes ng gabi.
Sa inisyal na ulat ni P/Senior Insp. Joseph dela Cruz, hepe ng Sarrat PNP, huling nakitang buhay ang biktimang si Keiza Mata Andres na lulan ng Mitsubishi Montero SUV na minamaneho ng suspek na si Francis Domingo Ortega na may ilang kaibigang kasama.
Nabatid na si Andres ay estudyante sa Mariano Marcos State University sa Batac City na may kursong AB English Major at solong anak habang ang sinasabing pangunahing suspek na si Francis na estudyante naman ng Saint Louis College sa San Fernando City ay sinasabing apo ng gobernador ng La Union.
Napag-alaman din na nakatanggap ng text message ang ama ng biktima na humihingi ng pera ang dalaga dahil nasa Cebu City ito.?
Natagpuan ang duguang katawan ng biktimang nakaputing-short pants at polo na may tama ng bala sa ulo noong Martes ng umaga kung saan nawawala ang kanyang cell phone.
Sa follow-up operation, tinungo ng mga operatiba ng pulisya ang bahay ng suspek subalit wala na ito at ang kanyang pamilya, ayon kay Dela Cruz.
Humingi naman ng tulong ang pamilya Andres kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos para maresolba ang krimen at mabigyan ng hustisya ang brutal na pagpatay sa dalaga.
- Latest