3 NPA officers, timbog
MANILA, Philippines – Umiskor ang tropa ng militar kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong matataas na opisyal ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kabilang ang isang mag-asawa sa magkakahiwalay na operasyon sa Eastern Mindanao kamakalawa.
Sa ulat ni Major Gen. Eduardo Año, Commander ng Army’s 10th Infantry Division (ID), dakong alas-3:20 ng hapon ng masakote ang mag-asawang rebeldeng opisyal sa raid sa Brgy. Sinaragan, Matanao, Davao del Sur.
Kinilala ang mga ito na sina Ramil Mortejo, gumagamit ng mga alyas na Ka Nestor at Angkol, tumatayong Commanding Officer ng Samahang Regional Guerilla Unit sa Southern Mindanao Regional Command ng NPA at Jasmine Badilla, alyas Ka Antali, pinuno naman ng Regional Medical Staff.
Inaresto si Mortejo sa kasong kidnapping at serious illegal detention at robbery with violence naman si Badilla base sa warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 11 ng Branch 3 ng Nabunturan, Compostela Valley.
Nakumpiska mula sa mga ito ang isang Improvised Explosives Device, isang M33 fragmentation grenade at isang cal. 45 pistol.
Sa isa pang insidente, ayon naman kay AFP Eastern Mindanao Spokesman Major Ezrah Balagtey, arestado naman ng Army’s 403rd Infantry Brigade sa Valencia City ang isa pa na si Reboy Gandinao, Commanding Officer ng NPA Sangay ng Partido sa Platoon sa Bukidnon bandang alas-3 ng hapon kamakalawa kaugnay ng kaso nitong murder at multi frustrated murder.
Nakuha mula rito ang isang cal. 45 pistol, isang magazine na may lamang bala at isang cellular phone.
- Latest