3 bata durog ang kamay sa paputok
MANILA, Philippines – Tatlong bata ang nasugatan matapos na masabugan ng paputok na pinaglaruan ng mga ito sa naganap na magkahiwalay na insidente sa bayan ng Tayug, Pangasinan kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Pangasinan PNP na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga biktima na sina Don Don Piddo,15; Ogma Lopez,14; at ang 7-anyos na si Rizaldy Alamaron na pawang naisugod sa Eastern Pangasinan District Hospital.
Ayon sa imbestigasyon, pinulot ng biktimang si Don Don ang sinindihang 5-star na paputok na hindi kaagad sumambulat pero pagdampot nito ay sumabog kung saan halos nadurog ang kaniyang kanang kamay sa Barangay C.
Samantala, namulot din ng paputok ang biktimang si Alamaron na nasabugan sa gitnang bahagi ng kaniyang gitnang daliri sa naganap na insidente sa Barangay Sto. Domingo.
Si Lopez naman ay naglalaro nang sinindihang Piccolo na inilalagay nito sa bunganga ng kaniyang hinuling palaka nang biglang sumabog ang paputok habang hawak nito sa kaniyang kaliwang daliri.
Patuloy naman ang paalala ng mga awtoridad sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang hindi mapahamak sa pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest