Mag-asawang trader dinedo ng 2 akyat-bahay
CAMARINES NORTE, Philippines - Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang trader matapos pagtulungang saksakin at barilin ay pinagnakawan pa ng dalawang miyembro ng Akyat-Bahay Gang sa Purok 1, Barangay Osmeña sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Chief Insp. Victor Abarca, hepe ng Jose Panganiban PNP, ang mga biktima na sina Leonardo de Vera, 64; at Merlita de Vera, 60, kapwa nakatira sa nasabing barangay.
Ayon sa pulisya, si Leonardo na nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at dalawang tama ng bala ng baril ay natagpuan sa sala ng kanilang bahay habang si Merlita naman na nagtamo ng tama ng saksak sa katawan ang natagpuan sa kanilang kuwarto.
Nabatid na bandang alas-11:30 ng gabi, sunud-sunod na putok ng baril mula sa bahay ng mga biktima ang narinig ng kapitbahay na si Rommel Madi at nang usisain nito ay namataan ang dalawang di-kilalang lalaki na naglalakad sa ibabaw ng bubong ng bahay ng mag-asawang matanda.
Kaagad na ipinaabot sa pulisya ang naganap na krimen kung saan nadiskubreng nagkalat ang mga gamit sa loob ng bahay ng mag-asawa.
Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong may kaugnayan sa pagwi-withdraw ng malaking halaga sa banko si Leonardo na posibleng natiktikan ng mga magnanakaw.
- Latest