Bus hostage-taker arestado
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang 35-anyos na mister na nang-hostage sa pampasaherong bus na may lulang 13-katao na tumagal ng halos 3-oras sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEx) Toll Plaza sa bayan ng Guiguinto, Bulacan kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Bulacan PNP Office Director P/Senior Supt. Ferdinand Divina kinilala ang suspek na si Lauro Sanchez, 35, tindero ng sapatos at nakatira sa Barangay Bulangon, Agoncillo, Batangas.
Inaalam pa ang tunay na pagkatao ng suspek dahil iba-ibang pangalan ang ibinibigay nito sa pulisya.
Bandang alas-6 ng umaga nang bigla na lamang hinostage ng suspek ang dalawang pasahero sina James Uy at Ressie Ramirez sa loob ng Everlasting Bus Liner (UVL-797) na minamaneho ni Charlie Adriano sa Sta. Rita toll exit ng nasabing lugar.
Ang nasabing bus na biyaheng Cubao, Quezon City ay nagmaula sa Cauayan City, Isabela nang magdeklara ang suspek na may hawak na balisong na mang-hostage sa mga sakay ng bus dahil na-frame up umano siya ng mga pulis sa krimen na hindi naman niya ginawa.
Agad namang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya kabilang ang Special Weapons and Tactics team na pinalibutan ang nasabing bus.
Gayon pa man, kaagad na bumuo ng Crisis Management Committee ang lokal na opisyal ng pamahalaan subalit hindi sumuko ang suspek matapos ang negosasyon sa pamumuno ni Divina.
Napilitan ang mga awtoridad na maglunsad ng assault operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Sanchez bandang alas-8:40 ng umaga.
Dalawang pulis din ang nasugatan nang makipag-agawan sa hostage-taker na may hawak na balisong.
- Latest