Mataas na lider ng NPA, nabitag
MANILA, Philippines - Nadakip ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang isang wanted na mataas na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isinagawang checkpoint operation sa Tagum City, Davao del Norte kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Captain Alberto Caber, Spokesman ng AFP Eastern Mindanao Command ang nasakoteng suspek na si Dominiciano Muya, gumagamit ng mga alyas na Ka Marco at Ka Atoy.
Si Muya, tumatayong Executive Committee ng CPP-NPA Southern Mindanao Regional Committee ay may patong sa ulong P4.8-M para sa masuwerteng tipster na nagturo sa mga awtoridad sa pinagtataguan nito.
Bandang ala-1:45 ng hapon nang masakote ang suspek sa checkpoint sa Brgy. Mankilam, Tagum City.
Sinabi ni Lt. Gen. Aurelio Baladad, Chief ng AFP Eastern Mindanao Command ang suspek ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest sa kasong robbery with double homicide, multiple murder at double frustrated murder na inisyu ng 10th Regional Trial Court Branch 7 sa Bayugan City , Agusan del Sur at RTC 10th Judicial Region, Branch 8 sa Malaybalay City, Bukidnon.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng suspek ang isang cal. 45 pistol, isang granada, dalawang cellular phones at mga dokumento.
Sa tala, si Muya ay sangkot sa pagpatay kina PO1 Marito Correos at PO1 Rey Mongaya sa Bayugan City, Agusan del Sur noong Hunyo 19, 2004 at sa pagpatay kay 2nd Lt. Lucresio Julampong Jr., sa Baganga, Davao Oriental noong Hunyo 14, 2009.
Ang nasabing lider ng NPA ay dati ring staff ng CPP/NPA sa Northeastern Mindanao Regional Committee at dating Secretary ng Guerilla Front 18 ng Southern Mindanao Regional Party Committee. (Joy Cantos)
- Latest