Civil engineer tiklo sa CDO drug bust
MANILA, Philippines – Isang civil engineer na pinaniniwalaang pinuno ng drug syndicate ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cagayan de Oro City.
Nakilala ang suspek na si Wilson Roque, ng Block 2, 3rd Road, Sambaan Village, Patag, Cagayan de Oro City, na sinasabing pinuno ng Transporter Drug Group.
Nasakote si Roque matapos bentahan ng siyam na pakete ng shabu ang isang undercover agent ng PDEA sa Vamenta Boulevard, Barangay Carmen, Cagayan de Oro City nitong Oktubre 12 bandang alas-10 ng gabi.
Tinatayang aabot sa P80,000 ang halaga ng 10 gramo ng droga na nabawi mula sa suspek bukod pa sa mga nakumpiskang kalibre .45, motorsiklo at isang mobile phone.
Dalawang linggo pa lamang ang nakararaan nang masakote ang tatlong miyembro ng Transporter Drug Group, kabilang ang isang babaeng senior police officer sa Carmen, Cagayan de Oro City.
Nahaharap si Roque sa kasong paglabag sa Section 5 (Delivery of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, o mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest