Sanggol binoga ng ama, dedo
MANILA, Philippines - Napatay ang 1-anyos na sanggol makaraan nitong saluhin ang bala para sa kaniyang ina na nasugatan naman sa pamamaril ng sarili nitong senglot na ama sa Barangay Bata, Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.
Nasapul ng tama ng bala sa dibdib ang biktimang si Rommel Marcelo habang ginagamot naman sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital ang ina ni Rommel na si Rose Marcelo, 35, nagtamo ng tama sa baba.
Base sa ulat ni P/Inspector Jinky Ramos ng Bacolod Women and Children Protection Desk, naganap ang krimen sa bahay ng mag-asawang Marcelo bandang alas-7:30 ng gabi.
Nabatid na nakainom ang suspek na si Porferio Marcelo, 33, na kapag nalalasing ay palaging inaaway at pinagsisigawan ang kaniyang misis.
Sa halip na makipagtalo sa senglot na mister ay binuhat ng misis ang kanyang anak at lumabas ng kanilang bahay pero hinabol at pinuntirya ng pamamaril ng suspek.
Nasapol naman sa unang putok sa dibdib ang sanggol habang sugatan ang misis na mabilis na isinugod sa pagamutan.
- Latest






















