Simbahan binomba: 3 patay, 2 kritikal
NORTH COTABATO, Philippines – Tatlo-katao ang namatay habang dalawa naman ang malubhang nasugatan matapos na bombahin ng dalawang di-kilalang lalaki ang prayer meeting sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa Vidal Cabañog Street sa bayan ng Pikit, North Cotabato kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa mga namatay ay sina Felomina Ferolin, 54, head nurse ng Pagalungan Health office; Gina Cabilona, 39, guro; at si Virginia Manolid, 63, pawang nakatira sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan.
Naisugod naman sa Midsayap Community Hospital at Kidapawan City Hospital ang mga malubhang nasugatan na sina Jeremias Dandan, 60; at si Jerome Dandan, 28, kapwa negosyante at nakatira sa nabanggit na barangay.
Sa ulat na isinumite kay P/Senior Insp. Jojet Nicolas, spokesman ng North Cotabato PNP nagsasagawa ng mid-week prayer meeting ang mga biktima sa nasabing simbahan na pinangungunahan ni Pastor Jerry Sanchez nang biglang dumating ang dalawang lalaki na lulan ng motorsiklo.
Bumaba sa motorsiklo ang lalaking may bitbit na M79 grenade launcher saka pinasabog ang kinaroroonan ng mga biktima habang nagsitakas naman ang riding-in-tandem bomber.
Blangko naman ang pulisya sa motibo ng pagpapasabog sa nasabing simbahan habang patuloy ang imbestigasyon. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest





















