Mudslide mula sa Mayon puwedeng mangyari dahil kay 'Mario'
MANILA, Philippines - Namemeligrong magkaroon ng mudslide mula sa Bulkang Mayon dahil sa nakaambang malakas na pag-ulan mula sa bagyong Mario, ayon sa PAGASA ngayong Huwebes.
"Itong mga pag-ulan niya, pinapangambahan natin ay pwedeng magpadausdos ng mga lahar na nakadeposit pa rin dito sa tabi ng Mayon Volcano," ani Landrico Dalida Jr. PAGASA deputy administrator for operations.
Nagbabala rin si Dalida na maaaring magkaroon din ng mga insidente ng landslide sa may paanang bahagi ngn bulkan dahil pa rin sa dadalhing ulan ng bagyo.
Nitong Huwebes ng umaga, tinatayang nasa layong 477 kilometro ng timog na bahagi ng Virac, Catanduanes ang mata ng bagyo.
Ang rehiyon ng Bicol, kung nasasaan ang Bulkang Mayon, ang isa sa mga lugar na inaasahang makakaranas ng malalakas na pag-ulan dahil sa bagyong Mario.
Sinabi ni Dalida na malamang magsimula ang malakas na ulan mula kay "Mario" ngayong Huwebes ng gabi.
Sa isang special weather forecast para sa Bulkang Mayon, sinabi ng PAGASA na asahan ang maulap na papawirin at maulang panahon sa rehiyon hanggang 10 ng umaga bukas.
Kasalukuyang nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Bulkang Mayon dahil muling pagtindi ng aktibidad nito. Ibig sabihin ng Level 3, malamang sumabog muli ang bulkan anumang araw.
Sa pinakahuling tala ng Phivolcs nitong Huwebes, may 142 volcanic earthquakes at 251 rockfall events na nanganap sa Bulkang Mayon sa loob ng 24-oras.
Umaabot na sa halos 5,000 pamilya na nakatira sa mga itinuturing na danger zone malapit sa bulkan ang nagsilikas na.
- Latest