Trader, 2 pa itinumba
MANILA, Philippines - Tuguegarao City- Tatlo katao kabilang ang isang negosyante at isang Brgy. Kagawad ang nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin sa magkakahiwalay na insidente sa lalawigan ng Isabela, kamakalawa.
Sa ulat ni Sr. Inspector Benny Asuncion, hepe ng Mallig, pinabulagta ng hinihinalang hired killer si Brgy. Kagawad Salvador Dumlao, 53 anyos.
Nakikipag-inuman si Dumlao sa kaniyang mga kaibigan nang lapitan ng nag-iisang armadong salarin at pagbabarilin sa Brgy. Manango, Mallig ng lalawigan. Sumunod namang pinabulagta ng riding in tandem na mga armado ang 78 anyos na negosyanteng si Gregorio Torres sa Provincial Road, Brgy. San Bernardo, Cabagan na ikinasugat din ng kaniyang misis kamakalawa ng gabi. Lumilitaw sa imbestigasyon na pauwi na ang mag-asawa ng pagbabarilin ng riding in tandem na armado ng cal. 45 pistol.
Samantala sa bayan ng San Mariano; tinambangan at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin si Tomas Castro, 42, magsasaka habang naglalakad ito patungo sa kanyang bukirin sa Brgy. Daragutan West. Iniimbestigahan pa ang motibo ng naturang mga krimen kung saan kabilang sa sinisilip na anggulo ang alitan sa lupa at negosyo.
- Latest