5 bahay nilamon ng apoy
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Hindi naging hadlang ang ulan para pigilan ang pagsiklab ng apoy na lumamon sa limang bahay sa Barangay Vista Alegre sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya kahapon ng madaling araw.
Kabilang sa mga pamilyang nawalan ng tahanan ay sina Agustin Bisera, Jaime Villanueva, Conchita Sinki, Lea Bernal, at si Israel Ballao. Napag-alaman na sumiklab ang sunog dakong alas-4 ng madaling araw kung saan mabilis na kumalat ang apoy habang dumarating ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Nadamay din ang dalawang traysikel, isang motorsiklo, mga ari-arian at kagamitan ng mga biktima.
Ayon kay Tripon Villanueva Jr., kapatid ng isa sa nasunugan, ang kanilang family house umano na minana pa sa mga magulang ay hindi nakaligtas sa apoy.
“Mabuti na lamang at walang nasaktan o namatay dahil ang mga bata ang unang inilabas subalit lahat ng nasunugan ay walang nailigtas na kahit anong kagamitan,”pahayag ni Villanueva
Maging ang mga estudyanteng boarder mula sa isang bahay na natupok ay walang nailabas na kagamitan.
Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng BFP ang halaga ng ari-arian na tinupok ng apoy.
- Latest
















