Maguindanao flashflood, mahigit 150,000 katao apektado
MANILA, Philippines – Umaabot na sa mahigit 150,000 katao ang apektado ng malawakang flashflood o mga pagbaha sa lalawigan ng Maguindanao sanhi ng malalakas na pagbuhos ng ulan umpisa pa nitong nakalipas na linggo.
Sa ulat ni Alex Manuel, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMC), nasa 30,560 pamilya o kabuuang 150,476 katao ang apektado ng mga pagbaha sa 15 bayan ng lalawigan.
Kabilang sa mga apektadong bayan ay ang Upi, Datu Salibo, Ampatuan, Datu Montawal, Datu Paglat, Mangudadatu, Pandag, Buluan, Talitay, Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Kabuntalan, Datu Piang, Sultan sa Barongis at Mamasapano.
Samantalang bunga ng insidente ay nagdeklara ng state of calamity ang ilang bayan ng Maguindanao .
Kasalukuyan na ring ikinokonsidera ng pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao kung idedeklara sa state of calamity ang buong lalawigan bunga ng matinding epekto ng flashflood.
Nabatid na maging ang mga eskuwelahan, health center at ilang military camps ay apektado rin ng pagbaha sa lalawigan.
Sa kasalukuyan ay patuloy namang ang assesment ng mga lokal na opisyal sa pinsala ng mga pagbaha sa agrikultura at maging sa pamamahagi ng mga relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng mga pagbaha.
Samantala, apektado rin ng mga pagbaha ang lalawigan ng North Cotabato kung saan nagdeklara na ng state of calamity ang mga bayan ng Tulunan, Kabacan at Pikit.
- Latest