Mangingisda gutay sa dinamita
MANILA, Philippines - Nagkagutay-gutay ang katawan ng 38-anyos na mangiÂngisda makaraang masabugan ng dinamita na gamit nito sa illegal na panghuhuli ng isda sa karagatan ng Barangay Mapuya sa bayan ng Del Carmen, Surigao del Norte kamakalawa ng hapon. Sa ulat ni P/Supt. Romaldo Bayting, spokesman ng Caraga PNP na isinumite sa Camp Crame, naganap ang insidente habang namamalakaya ang biktimang si Julito Cebo Sr. bandang alas- 2 ng hapon. Base sa imbestigasyon, naglayag ang biktima kasama ang kanyang anak na si Julito Cebo Jr. para mangisda. Gayon pa man, habang nangingisda ay kinuha ng biktima ang boteng lapad na pinaglagyan nito ng dinamita kung saan habang sinisindihan ay aksidenteng sumabog sa kaniyang katawan. Nakaligtas naman ang anak ng biktima na nagkataong nasa kabilang bangka habang nagtamo rin ng grabeng pinsala ang bangkang sinasakyan ng kaniyang ama sa lakas ng pagsabog.
- Latest