Mister itinumba sa lamay ng kaibigan
BULACAN , Philippines - Napaslang ang 45-anyos na mister matapos itong ratratin ng apat na armadong lalaki sa burol ng kanyang kaibigan sa Barangay Poblacion, bayan ng Norzagaray, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Aabot sa 18-bala ng cal. 45 pistol ang tumapos sa buhay ni Hipolito Payumo ng Barangay Pinagtulayan sa nabanggit na bayan habang tumakas ang apat na gunmen patungo sa direksyon ng San Jose Del Monte City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Dwight Danao, nakipaglaÂmay ang biktima sa burol ng kanyang kaibigang si Hilton Pascual sa Tabtab Street na sinasabing binaril at napatay noong Lunes ng Hunyo 9.
Habang nakikipag-usap si Payumo sa ilang residente ay biglang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan duguang bumulagta ang biktima.
Sinamantala ng gunmen na tumakas matapos magpulasan ang mga nakikipagÂlamay sa burol ni Pascual.
Sinisilip ng mga awtoridad ang anggulong onsehan sa bawal na droga ang isa sa motibo kaya pinatay ang biktima dahil ang kaibigan nitong si Pascual ay itinumba rin dahil sa bawal na droga.
- Latest