Kumander ng NPA timbog
LEGAZPI CITY, ALBAY, Philippines - – Umiskor ang mga operatiba ng pulisya kasunod ng pagkakaaresto sa isang Kumander ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na itinuturing na No.7 most wanted sa Bicol Region sa isinagawang operasyon sa Brgy. Poblacion, Mobo, Masbate kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang nasakote na si Ronnel Arquillo, 35 anyos, gumagamit ng mga alyas na Ka Hapon/Noli. Si Arquillo ay isang mataas na opisyal ng Executive Committee ng NPA Bicol Regional Party Committee.
Sa tala si Arquillo ay may patong sa ulong P 800,000 para sa sinumang makapagtuturo sa ika-aresto nito buhay man o patay.
Base sa ulat, sinabi ni Police Regional Office (PRO) 5 Director P/Chief Supt. Victor Deona na ang nasabing opisyal ng mga rebelde ay nasakote sa safehouse nito sa nasabing lugar dakong alas-9:30 ng umaga.
Inaresto si Arquillo sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas nina Judge Sanco Dames II ng Regional Trial Court (RTC) Branch 38 at Judge Arnel Dating ng RTC Branch 41; pawang ng Daet, Camarines Norte sa kasong murder at attempted murder.
- Latest