Sugatang lider ng NPA, pumanaw na
MANILA, Philippines - Ilang oras matapos sugatang makorner ng tropa ng militar, binawian ng buhay habang lulan ng ambulansya ang isang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na inabandona ng mga kasamahan nito sa bakbakan sa Compostela Valley.
Ayon kay Captain Ernest Carolina, Spokesman ng Army’s 10th Infantry Division (ID), dakong alas-6 ng gabi kamakalawa ng matagpuan ng tropa ng militar ang namimilipit sa sakit at duguang si Eleazar de Asia Romero alyas Ka Dads sa clearing operation sa Brgy. Sibunga, Nabunturan, Compostela Valley.
Ang grupo ni Ka Dads, ayon sa opisyal ay nakasagupa ng tropa ng Army’s 60th Infantry Battalion sa nasabing lugar bandang alas-7:30 ng umaga kamakalawa na nasundan ng panibagong bakbakan dito kinahapunan.
Sa nasabing insidente ay nasugatan din ang dalawa sa mga sundalo na patuloy na nilalapatan ng lunas sa Camp Panacan Hospital sa Davao City.
Sa tala ng militar si Ka Dads ay Platoon Leader ng NPA Sandatahang Unit Pampropaganda na nag-ooperate sa lalawigan.
- Latest