MANILA, Philippines - Niyanig ng malakas na pagsabog ng bomba ang compound ng tahanan ni Isabela City Mayor Cherrylyn Santos-Akbar ng lungsod sa lalawigan ng Basilan nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Basilan Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Mario Dapilloza, naganap ang insidente sa tabi ng highway sa Brgy. Sunrise, Isabela City dakong alas-2 ng madaling-araw.
Nabatid na kasalukuyang mahimbing na natutulog ang pamilya ng alkalde nang biglang sumabog ang bomba na isang Improvised Explosive Device (IED).
Sinabi ni Dapilloza na wala namang naiulat na nasugatan sa insidente bagaman lumikha ng dalawang talampakang hukay sa tabi ng bakod ng tahanan ng alkalde ang pagsabog.
Samantalang nagtamo rin ng pinsala ang ilang bahagi ng konkretong bakod sa bahay ni Mayor Akbar dahil sa lakas ng pagsabog.
Sa pagresponde sa lugar ng pinagsanib na elemento ng pulisya at mga sundalo ay isa pang bomba na isa namang 81mm mortar ang narekober malapit sa videoke house ilang metro rin ang layo mula sa naunang pagsabog.